MOSES, MOSES
Ni Rogelio R. Sikat
Mga Tauhan:
Regina Calderon, 48,
balo, isang maestra
Tony, panganay niyang
anak, estudyante
Aida, 18, anak niyang
babae, estudyante
Ben, 16, bunso,
estudyante
Ana, 46, matandang
dalaga, kapatid ni Regina
Ang Alkalde
Ang Konsehal
Mga Pulis
Panahon: Kasalukuyan
Tagpo:
“Apartment” sa lungsod sa Rizal, sa isang komunidad na
masasabing “middle class”. Maraming bagong bahay dito, nakatayo sa mga loteng
nabili sa murang presyo noong unang bahagi ng 1950 at ngayo’y nagkakahalaga na
nang malaki sa pamilihan ng lupa. Tahimik dito, malayo sa daanan na
pampasaherong sasakyan, mapuno at mahalamang hindi katulad ng ibang
subdibisyon. Aspaltado ang malilinis na kalsada at may ilaw na mercury ang mga
poste. Karaniwan nang ang naninirahan dito ay mga empleado ng gobyerno.
Sa sala at sa komedor
ng apartment na ari ni Mrs. Calderon mangyayari ang dula. Isa sa apat na pinto,
malaki-laki rin ang apartment na ito, putiang pinta, yari sa mahuhusay na
materyales, at sa unang malas pa lamang ay mahihinuha nang inilalaan sa mga
makapagbabayad ng mataas. May pinto sa may sala, kanan, kaharap ng gate, at sa
kaliwa, sa may kusina. Luma na ngunit maayos pa ang mga kasangkapan parang
inilipat mula sa isang lumang bahay. Sa sala ay may isang set ng upuan na
nakatuntong sa isang alpombrang bumabagay sa pulang sahig; sa likod nito,
kabinet ng mga libro na kinapapatungan ng isang flower vase, isang nakakwadrong
retrato ng isang nakangiting dalaga na napaliligiran ng maliit at animo’y
naglalarong mga piguring duwende at isang lampshade. May telebisyon sa sulok,
malapit sa nakukurtinahang bintanang salamin.
Sa dingding na
binarnidang plywood, nakasabit ang isang pares ng nairolyong pinturang Hapones:
mga lumilipad na tagak sa ibabaw ng maiitim at payat na tangkay at mga dahon ng
kawayan. Sa gitna, likuran, may hagdanang paakyat sa mga silid-tulugan, puti
ang mga barandilya nito at sa itaas palapag, sa ding-ding, ay nakasabit ang
isang pandekorasyong seramiko na kinatitikan, na mga letrang Gotiko, ng
mga salitang GOD BLESS OUR HOME.
Sa silid-tulugan,
kaliwa ay may isang mesang paayon ang ayos at napapaligiran ng anim na silyang
may matataas na sandalan. May kabinet sa likod ng mesa-lalagyan ng mga plato,
kubyertos, mga itinatanging kasangkapan na ang paggamit ay karaniwan nang
inilalaan ng mga may-bahay sa mga espesyal na okasyon… Nandito rin ang ilang
de-latang pagkain at mga boteng gamot. Nakapatong sa kabinet ang isang
bentilador. Di kalayuan sa mesa, malapit sa lababo, ay may isang repriheradora.
Sa kabuuan, maayos at masinop ang apartment.
May mga alas-otso na
ng gabi. Bukas ang ilaw sa sala. Nakaupo si Ben sa sopa, taas ang pinagsaklit
na paa at tila yogang nagbabasa ng isang magasin. Nakakorto siya at iskiper na
puti. Mahahaba ang kanyang biyas at sa katabaa’y may pagkabalingkinitan pa.
Mahaba ang kanyang buhok, tulad ng uso sa mga tin-edyer ngayon, at may
kakisigan siya.
Bukas din ang daylight
sa silid-tulugan. Nakaupo si Regina sa kabisera ng mesa at umiinom ng kape. Sa
kabilang dulo, nagpupunas ng kutsara ang kapatid niyang si Ana. Magkahawig
sila, bagama’t maraming salit na puting buhok si Regina. Nakaputi siyang
damit-pambahay, tila isang roba na itinali sa harap, hanggang siko ang maluwang
na manggas at hanggang sakong ang laylayan. Nakapusod siya, laylay ang ilalim
ng mga mata, larawan ng isang babaing pinatigas ng mga hirap na pinagdaanan.
Nakabulaklaking pambahay si Ana, may pagkamasayahin ang mukha, nguni’t ngayo’y
tila nag-aalala.
ANA : (habang nagpupunas) Kumusta ang hiningi mong
bakasyon, Regina?
REGINA: (ibig magmalaki, nguni’t walang sigla) Binigyan
ako, puwede ba nila akong hindi bigyan.
ANA : Dapat naman. Sa buong pagtuturo mo’y ngayon ka
pa lang magbabakasyon, ano?
REGINA: Ikalawa na ito. Noong mamatay ang ama nina Aida,
saka ngayon. Pupuwede akong hindi pumasok kahit ilang buwan pa suguro, kahit
isang taon. Marami akong naiipong bakasyon.
ANA : Biro mo namang mahigit na dalawampung taon ka na
yatang nagtuturo. Noong dalaga ka pa, hindi ba? Pwede ka nang magretiro.
REGINA: (sasandal) Sayang naman kung hindi ko matatapos ang
aking serbisyo. Pero hindi ako papasok hangga’t hindi gumagaling si Aida.
ANA : Kung sabagay, kaya ko naman siyang alagaan.
(Aayusin ang salansan ng kutsara). Ano nga pala ang sabi-sabihan sa eskwela?
Siguro’y alam nila ang nangyayari?
REGINA: (pauyam) Alam. Pero ano ba ang maaasahan mo sa mga
walang prinsipyong tao?
ANA : Sinabi
mong tuloy rin ang demanda?
REGINA: (tatayo, lalakad sa repriheradora upang kumuha ng
inumin) Oo. Bakit hindi ko itutuloy? Kahit ano pa nga ang kanilang sabihin.
Dapat nga raw magdemanda, sobra naman daw talaga ang ginawa kay Aida, pero…
ANA : Nakapag-aral
si Aida doon. Kilala siguro nila.
REGINA: (habang pabalik sa kabisera, dala ang baso ng
inumin) ang dipirensiya nga lang daw, “mayor” itong kalaban ko. Ano
sa akin kung “mayor”? ngayon ba’t “mayor” siya’y libre na ang kanyang
anak? Wala raw mangyayari. Iba raw ang malakas ang nasa
poder. Baka raw lalo pa tayong perwisyuhin.kababata pa’y wala nang
prinsipyo! Mga bagong tapos pa ng kolehiyo, mabuti pa iyong “
assistant principal” namin, matapang. Ang sabi’y “Ituloy mo, Mrs.
Calderon, ‘you should really teach those people a lesson.”
ANA : (galit) Ituloy mo nga. Regina, nang
madala. Sobra nang talaga ang anak ng “mayor” na iyan! Ang kailangan
talaga riyan ay bitay.(Tatayo, ililigpit sa isang lalagyan ang mga kutsara,
pahablot na dadampot ng isang basahan.) Tutal, bitay din siguro ang
ibibigay sa lalaking iyan. (Tatayo si Regina, tila nag-iisip na
maglalakad-lakad sa sala. Mapapansin niya si Ben na ngayo’y
nakadapa at nagkukuyakoy ang paa sa hanging nagbabasa).
REGINA: Napakain
mo na’ng aso, Ben?
BEN : (pagak
ang boses, di iaalis ang tingin sa binabasa) Opo.
REGINA: (susulyap sa itaas ng hagdan, pagkuwa’y babalik sa
komedor.) Bakit ba naghahanap ng kordon si Tony, ha, Ana?
ANA : (nagpupunas-punas sa may lababo): Maikli
ang kordon ng ilaw niyang inililipat sa kuwarto namin.
REGINA: Pabibilhin ko na lang siya ng isa pa
bukas. Kailangan niya iyon sa pag-aaral, malabo ang kanyang mata.
ANA : Ibang-iba iyang si Tony kesa do’n sa
isa. (Ngunguso sa sala.) Tingnan mo, prenteng-prenteng
nagbabasa. Hindi man lang tulungan iyong kapatid.
REGINA: Bata pa
lang kasi si Ben.
ANA “Spoiled”. Si Tony, noong ganyang edad, kumikita
na, nagtitinda na ng diyaryo.
REGINA: Hindi si Ben ang “spoiled” Ana. Baka ‘ka mo si
Aida. (Magbababa ng tingin na parang mali ang nasabi.)
ANA : Kung sabagay. (Ipapatong ang kanang kamay
na may hawak na basahan sa sandalan ng isang silya.) Si Tony, pati
nanliligaw kay Aida, kinikilatis na mabuti. Hindi na nagbalik iyong
preskong kaklase yata ni Aida, ano? Iyong de-kotse? “Ano ba sa akin
kung de-kotse siya,” sabi sa akin ni Tony. Sino nga ba iyon?
REGINA: (parang
hindi siya pinapansin) Mababait silang lahat.
ANA : Si
Tony, minumutyang talaga si Aida.
REGINA: Mapagbigay pa ‘ka mo sa mga kapatid. Hindi na
baleng siya ang wala mayroon lang si Aida at Ben. Ang maipipintas mo nga
kay Tony ay walang kibo.
ANA : Seryoso. Palaisip. Kaparehung-kapareho
ng ama.
REGINA: May pagkaseryoso rin itong si Ben, pero hindi
kamukha ng kuya niya. Si Aida- si Aida ang (parang mawawala sa sinasabi,
mababasag ang boses)-pinakamasaya.
ANA : (mapapansin ang pagbabago ng mukha ni Regina,
nguni’t itutuloy pa rin)Masasabi mong isip-bata si Aida. Inosente. Pero
maganda. Maganda. Akalain ko bang gaganda ng ganyan ang anak mo, Regina. Natatandaan
mo pa, noong sumakay siya sa karosa ng “lantern parade” sa UP, noong nakaraang
Pasko? Noong dalhin tayo ni Tony? Hindi ako makapaniwalang anak mo iyon at
pamangkin ko iyon. Bakit nga’y di- “jeans-jeans” at “pony-tail pony-tail”
lang dito. Ang sarap ‘ka mo, namatay ang “generator” ng karosa! Di pinasinagan
siya ng “flashlight”. Nakatingin kay Aida ang lahat, at siya’y ngumingiti, at
nangyayabang, at nang-iinggit naman ang kanyang mga kaklase. Sa tingin ko ba
noo’y para siyang nakaangat sa karosa-(Makikitang ibig maiyak si Regina) Sino
nga ba naman ang makapag-aakalang-
REGINA: (tutuwid
ng upo, sa dingding nakatingin) Nangyari na iyan Ana.
ANA : (Pagkaraan ng ilang saglit, malungkot) Disiotso
na siya sa Setyembreng ito, Regina.
REGINA: Limang taon na tayo rito. Natatandaan mo? Dito
nag-“birthday” si Aida nang lumipat tayo.
ANA : At napapanaginip ko pa noon ang kanyang “debut”.
At naisip ko na ang gagawin kong tahi sa damit niya.
REGINA: Ang buhay
nga naman.
ANA : (nagpapahid ng matang isasauli ang basahan sa
lababo.) Mabuti pa sigurong hindi tayo umalis sa Gagalangin, Regina. Siguro,
kung hindi tayo lumipat dito-
REGINA: Sino ang
makaaalam na dito siya magkakaganyan?
ANA : Bakante
ngayon ang itaas ng bahay doon.
REGINA: (nagpapaliwanag): Hindi ba dahil sa mga bata kung
kaya tayo umalis sa Gagalangin? Gusto mo rin namang tayo’y umalis doon nang
lumalaki na ang mga bata,di ba? At nang malapit pati sila ‘ka mo ng eskuwela.
Naisip kong umutang nga tayo at ipatayo natin ang “apartment” na ito-
unang-una’y dahil diyan ang malayo nga sila doon. Pinaupahan na lang natin ang
bahay doon. Hindi ba’t mas nagustuhan naman dito ng mga bata? Mas tahimik dito,
hindi siksikan, mas-
ANA : Oo
nga, Regina. Pero –
REGINA: Dahil sa pagtanda nati’y wala naman tayong
makakasama- patay na rin lang ang ating mga magulang- naisip kong maaari
na tayo dito. May apat na pinto tayo dito, tamang-tama, ‘ka ko. Magkaasawa man
ang mga bata, magkaanak man sila, hindi rin tayo magkakalayu-layo.
Tig-I-tig-isa ‘ka ko sila ng pinto- isa kay Aida, isa kay Ben, isa sa ating
dalawa. Hindi tayo magkakawalay-walay. Ganyan ang naisip ko noon, Ana.
ANA : Aywan ko, Regina, pero kung minsan nga’y naiisip
kong kahit yata saan tayo pumunta, sinusundan tayo ng trahedya.
REGINA: Hindi naman sa tayo’y sinusundan, Ana. (kukunot ang
noo). Mabuti pang sabihin mong dahil sa mga pagkakataon, o dahil sa mga
kondisyon ngayon. Ibang-iba na talaga ngayon. Aywan ko rin, Ana. Aywan ko.
ANA : (Pagkaraan ng ilang saglit, malumanay na) Naubos
na nga pala ang gamot ni Aida, Regina. Iyong “ tranquilizer”.
REGINA: Magpabili
tayo. Sino ba’ng ating pagbibilhin? Si Tony?
ANA : Pabilhin
mo na’t gabi na. Malapit na sigurong mag-alas- nuwebe.
REGINA: Gabi na
pala.
ANA : Akala
ko ba’y napapagod ka ?
REGINA: (tatawag)
Tony!
TONY : (sa itaas):
Sandali po! Ikinakabit ko lang itong “daylight”.
ANA : (nakaupo sa kabilang dulo ng mesa, may
binibilut-bilot na sinulid ng basahan ang daliri): Ano ba ang napapansin mo kay
Aida?
REGINA: Ano’ng
napapansin?
ANA : May pagbabago ka bang nakikita ? Hindi ba parang
lumalala?
REGINA: (bubuntung-hininga) Ang sabi naman ng doktor ay may
“shock” pa siya hanggang ngayon. Totoo raw nasindak si Aida.
ANA : Kung sabagay. Medyo nawawala na ang mga marka ng
dagok sa kanyang mga pigi. Talaga sigurong hindi ka makakabangon kapag
dinagukan ka roon. Iyon namang sugat at galus-galos, magaling na. Ang
ikinatatakot ko’y ang kanyang nerbiyos. Lalo siyang nagiging nerbiyusin yata.
Lagi kaya niyang naaalala ang nangyari sa kanya? Ganoon ba iyon? Hindi ba- may
naloloka sa ganyan?
REGINA: Hindi naman siguro, Ana. Mahusay ang gamot na
ibinibigay sa kanya ng doktor. At sabi sa ospital, magaling daw ang
“psychiatrist” na tumitingin sa kanya. Talaga raw isa sa pinakamahusay
dito sa Pilipinas, sabi sabi rin Tony.
ANA : Naaalala ko kasi iyong kapitbahay natin sa
Gagalangin. Iyon bang anak ng kapitan na dinadala sa V.Luna at
ipina-e-“electric shock”. Namumuti raw talaga at umiikot ang tau-tauhan ng
mata. Bumubula ang bibig. Pero iba naman siguro iyon.
REGINA: Tiyaga, tiyaga ang kailangan natin, Ana. Kaya
hahabaan ko ang aking bakasyon.
ANA : (Maliwa-liwanag ang mukha): Mahusay siguro iyong
likidong “tranquilizer” na inihahalo ko sa pagkain niya. Biro mo, iyong tira
niyang pagkain, sinubok kong ipakain kay Sultan noong isang araw. Nakatulog
ang pobreng aso.
REGINA: Iyon naman daw ang kailangan, sabi ng doctor- ang
humupa ang kanyang nerbiyos.
ANA : Ibinigay
ni Tony kay Aida nag maliit niyang ponograpo.
REGINA: Sa Linggo ang punta dito uli ng doktor. Malalaman
natin sa kanya kung kailangan pang ipasok sa ospital si Aida o hindi.
(Maalala) Si Tony nga pala, iyong gamot. (tatawag) Tony! Di ibinigay ba ang
kanyang “turntable”? (mananaog si Tony, payat, di-nasusuklay ang buhok, lampas
sa karaniwan ang taas, habaan ang mukha, nakasalamin at mukhang matanda kaysa
tunay gulang. Lumang pantalon at maluwang ang manggas na polo sert ang suot.
May dalang plais at “tape” sa kordon.)
REGINA: Bumili ka
ng gamot, Tony. Nasa tokador iyong pera.
TONY : Opo. ( Ililigpit sa may ilalim ng hagdan ang
plais at pandikit, pupunta sa repriheradora at kukuha ng inumin. Tiyak at
tila laging pinag-iisipang lagi ang kilos.) Nauuhaw si Aida.
ANA : (pagkapanhik ni Tony, naghihinala): Ilang beses
ko nang napapansing lumalabas ng gabi ang Toning iyan. Di mo ba napapansin?
REGINA: Hindi.
ANA : Iyong
lagay na iyon siguro’y palakad na.
REGINA: Ugali lang talaga niyan ang maglakad. Di nga ba
sabi mo kangina’y palaisip?
ANA : Oo nga. Pero gabing-gabi na kung umuwi kung
minsan. Susi ang ginagamit.
REGINA: Baka
naman nagpupunta lang sa kaklase niya riyan sa kabilang kanto?
ANA : (kukumpas): Aywan ko. Si Ben ang tanungin mo.
Sila’ng magkakuwarto. Kaya lang, nag-aalala ako. Alam mo na ngayon, baka
makatuwaan iyan. (Isang sasakyan ang hihinto sa tapat ng “apartment”. Maririnig
ang pagkalapak na pagsasara ng pinto nito, ang pagkahol ng aso).
REGINA: (kay
Ana): Sa atin ba iyon? (May babatinting sa pintuang bakal).
ANA : Tingnan mo nga Benjamin.(Lalabas si Ben. Sa may
“gate” maririnig ang boses-matandang tanong na “ Nariyan ba si Mrs. Calderon?”
at ang mababa at pagak na “Opo, sino po sila?” ni Ben. Nakatayo sina Regina at
Ana sa tabi ng mesa, nakatingin sa labas).
ANA : (Makikilala
ang dumating) Si “mayor”, Regina! May kasama.
REGINA: (magugulat)
Ano kayang kailangan?
ANA : (kinakabahan)
Baka-aayusin ka.
BEN : (papasok)
Gusto raw kayong makausap, Inay.
ANA : Bakit
daw?
BEN : Aywan
ko po.
REGINA : (pagkaraan
ng pagbabantulot) Papasukin mo. (Lalabas si Ben).
ANA : (Kay Ana) Anong ayos-ayos. (Papasok ang alkalde,
maitim, katamtaman ang taas, may katabaan, hagod sa batok ang tintina at walang
partidang buhok,may mahigit nang 50 taon, naka-polosert na guhitang pula, bukas
ang butones sa itaas. Kasama niyang papasok ang isang naka-“polo-barong” na
lalaki, may kaputian maliit, mataas ang gupit, naka salamin, parang nakaismid,
at ang mata’y nag-uusisa agad sa pinasok na “apartment”).
ALKALDE: (itataas ang kaliwang kamay, bahagyang yuyukod)
“Good Evening”.
REGINA: Magandang
gabi ho naman.
ALKALDE: Napasyal
kami, Misis.
REGINA: (bantulot
na ituturo ang upuan) Maupo kayo.
ALKALDE: (bago maupo) Misis, ang kasama ko nga ho
pala’y si Konsehal Collas, Atty. Collas. (Bahagyang tatango ang konsehal.
Mauupo sila. Mananatiling nakatayo si Regina. Nasa silid-kainan si Ana,
nakahilig sa barandilya ng hagdan si Ben).
ALKALDE: (nakatingin
kay Ben): Anak ho ninyo?
REGINA: Oho.
ALKALDE: (humahangang nakatingin kay Ben) Guwapo. At listo.
Listong bata. Hindi basta nagpapasol. (Mahihiyang pupunta si Ben sa
silid-kainan at doon mauupo, kasama si Ana. Mapapansin ng Alkalde na nakatayo
si Regina). Maupo naman kayo, Misis. Kami ho naman ni Konsehal ay ngayon lamang
napadalaw dito sa inyo.
KONSEHAL: Siyanga
naman, Misis. (Mauupo si Regina).
ALKALDE: (lilinga-linga) Magandang “apartment” ito, a.
Tingnan mo ang “Japanese Painting” nila, konsehal. Di ba ganyan ang nakuhamo sa
Tokyo?
KONSEHAL: Masinop
ang “ apartment” nila, “Mayor”.
ALKALDE: Ito ang sasabihin ng “comadre” mo na “Cozy”. (Kay
Regina) Malaki siguro ang upa ninyo, Misis sa “apartment” na ito.
REGINA: Sa amin
ho ito, inaakupa lang namin ang unang pinto.
ALKALDE: (tatawa) Dispensa, Misis! Dispensa. “An honest
mistake”. Tingnan mo nga naman, konsehal, sa kanila pala ito.
KONSEHAL: “Must have gotten a loan from the GSIS”.
(Mananaog si Tony, magugulat pagkakita sa Alkalde, pagkaraa’y parang walang
nakitang tutungo sa komedor upang kunin ang sapatos, mananatili siya sa
komedor. Samantalang nakatingin sina Ana at Ben sa nag-uusap, ipapatong niya
ang mga kamay sa mesa, nakakunot-noong kakatuk-katukin ang daliri ang salamin niyon.
Manaka-naka lamang siyang lilingon sa sala).
ALKALDE: (nakatingin
kay Tony) Anak din ninyo, Misis?
REGINA: Siya ho
ang panganay.
ALKALDE: Marunong na tipo. “Scholarly type,” wika nga.
“Law” siguro ang kinukuha, Misis?
REGINA: (kangina
pa nagtitimpi) A.B. ho, sa UP.
ALKALDE: (magugulat) UP! Taga-UP rin pala konsehal. Pareho
kayo. Ako ho, Misis- bakit ho ba nasasabi ito’y hindi naman naitatanong?- ay
sa Francisco Law College lamang ang gradwado.(Tatapikin sa balikat ang
konsehal) Walang kuwentang eskwelahan. Kung sabagay, doon nagtapos si Carlos
P.Garcia, ha, konsehal? (Magtatawanan sila). Buweno, buweno, ang ibig kong
sabihi’y isa sa mga hindi natupad na ambisyon ko iyang makapag-aral sa UP.
Marunong ang anak ni Misis, konsehal.
KONSEHAL: Maestra
kayo, Misis,a – “Calderon”?
REGINA: Oho.
ALKALDE: Saan
naman kayo nagtuturo?
REGINA: Sa Torres
High School, sa Maynila.
ALKALDE: (magugulat)
Paano ho naman ang nangyari’t dito kayo-
REGINA: Narito ang aming “apartment”. May bahay kami sa
Gagalangin pero pinauupahan namin. “Grocery” ang silong.
KONSEHAL:Mukhang “familiar” sa akin ang “Calderon”. Saan kayong
probinsiya, Misis?
REGINA: Lehitimo
ho akong taga-Maynila. Ang Mister ko ho’y taga- Nueva Ecija.
KONSEHAL: “ You
are now a - - widow?” (tatango si Regina).
ALKALDE: Buweno, kami ho’y medyo ginabi, Misis, dahi sa
nanggaling pa kami sa “squatter area” diyan sa may “highway”. (Nakatawang
iiling) “Wise” din naman ang mga lider niyon ngayo’t alam na eleksiyon sa
Nobyembre ay saka magrerepresentasyon sa akin, huwag ko raw silang ipatapon.
May nakikiusap na riyan , may umiiyak na diyan, at ako naman (kukumpas)
mahabagin nga siguro ako ay wala nang magawa. Paano ka pa makakatanggi niyon?
REGINA: Marami
ring botante roon, “Mayor”?
ALKALDE: Ha-ha-ha! Hindi naman, Misis, hindi naman! Ang
lagay naparaan nga kami roon, kaya ginabi kami sa pagsasadya sa inyo.
REGINA: (titingnan siya ng tuwid): Para ipaurong sa akin
ang demanda, “Mayor?”
ALKALDE: (magkikibit-balikat): Para
- - para tayo’y magkausap.
KONSEHAL: (magsisindi ng sigarilyo): Ang totoo niyan,
Misis, si “Judge” Joaquin ang nagmungkahing magkausap kayo, na kung ako ang
tatanungin, ay siyang pinakamabuti ninyong gawin. Iyan naman ang sinabi ng
inyong “compadre”, di ba, “Mayor”?
REGINA: Mahusay
pala kayong magpalaman sa mga salita, konsehal.
ALKALDE: (maagap): Misis, kami’y naparito, unang-ana’y para
magdiskargo. Alam kong mabigat itong aming inilalapit sa inyo, kaya naman ako’y
makumbabang naparito sa inyo upang- upang wika nga’y ihingi ng tawad ang ginawa
ng aking anak.
REGINA: (susukatin siya ng tingin): Akala ba ninyo’y
makukuha sa paghingi-hingi ng tawad ang ginawa ng inyong anak?
ALKALDE: (iiling,
nakangiti): Alam ko, alam ko, Misis.
REGINA: Ganoon
pala’y bakit hindi natin ipaubaya sa husgado?
ALKALDE: Si
Misis- -
REGINA: Kayo ba’y
may anak na babae, “Mayor?”
ALKALDE: (nakangiti pa rin) Alam ko ang itatanong ninyo.
Mayroon. Tatlo. Paano kung isa sa kanila ginawa iyon? ( Nakangiting, maiiling
ang konsehal).
REGINA: Paano kung ang pinakamamahal ninyo sa tatlong anak na
iyan ay ginahasa ng aking anak?
ALKALDE: Natural namang mararamdaman ko ang katulad ng
nararamdaman ninyo ngayo, Misis.
REGINA: Hindi ko itinatanong kung ano ang mararamdaman
ninyo. (Malakas) Ano ang gagawin ninyo? (Kukumpas sa kawalang-maisagot ang
alkalde. Sa itaas, tatawag si Aida, “Inay, Inay!)” Tatahimik ba kayo?
Magdedemanda ba kayo? Ano ang gagawin ninyo? Kung sabagay, sino nga ba naman
ang matapang na mangangahas na – “mayor” kayo. Pero halimbawang kayo ang nasa
katayuan ko?
KONSEHAL: (sasaluhin ang alkalde) Sa ganitong anggulo natin
tingnan, Misis, umabot na rin lang sa ganito. Malinaw kong nakikita ang inyong
punto. Ngayo,y kauumpisa pa lamang nang kaso. Di ba ninyo inaalala ang inyong
anak? Kung itutuloy ninyong talaga ang demanda, ang kauna-unahang gagawin para
mapatunayang ginahasa siya ay ang ipaeksamen siya. Hindi mo maiaalis sa abugado
ng kabila na hingin iyan, ipaeksamen siya.
ALKALDE: (sasang-ayon) Kawawa rin ang inyong anak. Ang ibig
kong sabihi’y—
REGINA: (sa
konsehal): Para patunayan kung siya’y ginahasa o hindi?
KONSEHAL: (iduduldol sa “ash tray” ang sigarilyo) Para
patunayan kung siya’y ginahasa o hindi.
REGINA: Kung hindi kayo kumbinsidong ginahasa nga ang aking
anak ay bakit narito kayo?
ALKALDE: Para - -
para huwag na ngang umabot diyan,Misis.
REGINA: Legalismo
ninyong mga abugado!
KONSEHAL: Wala
tayong magagawa, Misis. (Bahagyang tatawa) Ganyang talaga.
REGINA: Tusuhan,
patalinuhan, pasinungalingan, diyan, diyan, kayo magaling!
KONSEHAL: Sa ilalim ng batas, walang kasalanan ang isang
tao hangga’t hindi siya napapatunayang nagkasala.
REGINA: Magandang
dahilan ninyong mga abugado!
KONSEHAL: Hindi ba kayo naaawa sa kanya? Hindi ba
ninyo inaalala ang kanyang kinabukasan? Sa kasalukuya’y hindi pa masyadong
bulgar ang nangyari per---
REGINA: Mababando
rin na ang anak ng “mayor” ang gumahasa sa kanya!
KONSEHAL: (ngingiti-ngiti): Hindi
kayo praktikal, Misis.
REGINA: Anong
hindi praktikal?
KONSEHAL: Halimbawa nang napatunayang nagkasala ang anak ni
“Mayor”-halimbawa lamang iyan- halimbawa nang napatunayang nagkasala siya, na
aywan ko kung kailan, siguro’y tayo na rin mismo ang maiinip – ano naman ang
inyong makukuha?
REGINA: Hustisya.
KONSEHAL: Hustisya. (Iiling) Ang tingnan ninyo’y ang
panig ng inyong anak. Iyan ang isipin ninyo.
REGINA: (nagpupuyos): Halos labingwalong taon mong
pinalaki, inalagaan, kung maaari’y ipakatagu-tago mo, pinakaingat-ingatan
mo, at pagkatapos, pagkatapos, nag-aabang lamang ng bus na pauwi galing sa
eskwelahan ay bigla na lamang aagawin ng anak ninyo, dadalhin sa motel,
sasaktan doon, paglalaruan, pag-aaliwan! Isasakay sa taksi, pauuwiin, halos
hindi makagulapay. At pagkaraan niyan, pagkaraan niyan paparito kayo sa aki’t
sasabihin ninyong ako’y maging praktikal!
KONSEHAL: (namamayapa)
Nariyan na tayo, Misis, nariyan na tayo.
REGINA: Hindi babaing damputin ang anak ko. Makakaalis na
kayo. Hindi ko iuurong ang demanda. Kung sa inyo ang sinasabi ninyong
huwes, sasabihin ko sa aming abugadong hilinging malipat sa ibang huwes.
KONSEHAL: (banayad) Hindi rin ganyan lamang iyan,
Misis. Saan at kanino ililipat? Dito rin. Ngayon, sino sa mga huwes dito ang
kaalyado ni “Mayor”? Kung nakapagme-“mayor” siya ng labingdalawang taon,
malamang pang maging labing-anim ---
REGINA: (napapaiyak)
Kayo nga ang hari dito.
KONSEHAL: Hindi siya ganoong napakahina para hindi maalis
ang sinumang kalaban niyang huwes. Ayaw ko sanang sabihin ito pero alam ninyong
pulitiko rin ang nakapaglalagay sa huwes? Sino ngayon ang nakapaghuhuwes nang
hindi lumalapit sa pulitiko? Nasaan naman ang mga naging huwes dito na hindi
naging kaalyado ni “Mayor”? Iyong isa, nasa Palawan, iyong isa, nasa Mindoro.
Dudulog kayo sa itaas? Sino ang nasa itaas? Pulitiko? Ilang boto ang maaring
ibigay – sa kanya ni “Mayor”? Makikisama rin sila!
REGINA: Kayong
masasamang pulitiko!
KONSEHAL: (nakatawa) Masasamang pulitiko. Ganyan ang buhay
ngayon, Misis. May nakita na ba kayong anak ng kongresista na kanilang nagalaw?
Anak ng Senador? Anak ng Gobernador? Anak ng- “mayor”?
REGINA: (nagpupuyos)
Tama, pumatay man kayo’y hindi kayo nagagalaw!
KONSEHAL: Ay,
Misis. “Be practical.”
ALKALDE: (dudukot sa bulsa ng polosert at may ilalabas na
sobre) Alam kong malaking perwisyo ang nagawa ng aking anak sa inyo – ibig kong
( ilalagay sa mesita
ang sobre) tanggapin ninyo ang kahit kaunting tulong na ito –
KONSEHAL: “ That
check is for ten thousand. Pay to cash. Be practical.”
REGINA: (sasampalin ang alkalde) Akala ba ninyo’y mabibili
ninyo’y mabibili ninyo ako? Layas! Layas! ( Nababaghang tatayo ang alkalde at
konsehal. Dadamputin ng konsehal ang sobre. Lalapit sina Tony).
ALKALDE: (hindi makapaniwala, nakangiti ngunit
ngani-nganing sampalin si Regina) Sa buong buhay ko, Konsehal, ngayon pa lang
ako nasampal. Pero hindi bale. (kay Regina) Dinadaan ko kayo sa pakiusapan pero
gusto ninyong magkademonyuhan. Pasensiyahan tayo. Ituloy ninyo! (Lalabas ang
dalawa, ang alkalde’y nagmumura. Sa labas, maririnig ang pagsibad ng kanilang
sasakyan. Mapapaupo si Regina. Nakatayo sa harap niya si Tony, nakaupo at
nakamasid si Ben).
REGINA: (humihingal)
Akala ng mga taong iya’y sila ang batas.
TONY: (galit
ngunit matimpi) Sa kasalukuya’y sila nga, Inay.
REGINA: (nanginginig) Lalabas din ang katotohanan at
mananaig ang katarungan!
TONY: Iyan ang
itinuturo ninyo sa “Government”.
REGINA: Mananaig
din ang katarungan.
TONY: Kay gandang sabihin! “Justicia” o justicia poetica”?
Hustisyang talaga o hustisyang Diyos-ko-bahala ka na?
REGINA: Kailangang
maputol ang ganito!
TONY: (malakas)
Paano?
REGINA: (parang giniginaw) Nanginginig ako. (Sa itaas,
maririnig ang mga pagtawag ni Aida at ang pag-aalo ni Ana. Papanhik si Ben).
REGINA: Hindi ako
titigil hangga’t hindi siya nabibilanggo!
TONY: (kinukuyom ang palad) Tatlo lamang ang nagkakaroon ng
hustisya dito sa atin. Iyong malalakas, iyong makapangyarihan, iyong mayayaman.
Kung simple kang tao, mahina ka. Kung mahirap ka, lolokohin ka, tatakutin ka,
pasensiya ka, magtiis ka. Kadalasang nagkakasama-sama pa iyan: lakas,
kapangyarihan, yaman.
REGINA: (tutop ang mukha) Walang kuwenta sa akin
magkaubus-ubos man ang ating kabuhayan!
TONY: (patuya) Sasayangin ninyo ang minana ninyo’t
pinaghirap-hirapang ipundar. Sa paningin ng ating batas, hindi magkakapantay
ang lahat! Ang demanda ninyo, sapagka’t ang idinemanda ninyo’y malakas, ay
mananatiling demanda lamang.
REGINA: Susulat ako sa magasin, susulat ako sa lahat ng
diyaryo. Isusulat ko ang lahat at natitiyak kong tulungan nila ako, pakikinggan
nila ako!
TONY: (parang hindi siya pinapakinggan) Ang demanda
ninyo’y kamukha lamang ng kung kayo’y nasusukol sa binggit ng bangin at malaki
pa ang agwat ng kabilang pampang na kailangan ninyong talunin. Alam ninyong sa
pagtalon ay hindi ninyo maaabot ang kabilang pampang, pero pipiliti’t pipilitin
din ninyong tumalon. Tatalon kahit alam na alam ninyong kayo’y mahuhulog. Bakit
pa kayo magdedemanda?
REGINA: Sasabihin ko sa kanila ang lahat. Pakikinggan nila
ako, Tony. Kapag nalaman nila ang lahat- Tony, ito na ang pagkakataon natin sa
hustisya!
TONY: Hustisya!
REGINA: (nabuhayan ng loob) Tingnan mo, Tony. Palagay ko
nga’y ako at si Aida ay sadyang pinili ng Diyos para rito. Makinig ka: kung sa
anak ng mahirap na iskwater niya ginawa iyon, tatahimik na lamang sila.
Lulunukin na nila ang kanilang dignidad at siguro'y kanila pang tatanggapin ang
pera. Ngayon, kung sa anak-mayaman naman niya ginawa iyon, magdadalawang-isip
ang magulang, mahihiya silang mabulgar ang nangyari. Hindi nila iibiging masira
ang kanilang reputasyon! Tatahimik din sila.Nagkamali sila, Tony, nagkamali
sila. Lalaban ako, lalaban ako!
TONY: Ang
ipanlaban ninyo sa napakalaking bato’y ang inyong mga kuko!
REGINA: Kay laki ng ipinagbago mo, Tony. Paano ang ibig
mong mangyari? Huwag nang lumaban, iurong na ang demanda?
TONY: Mula nang mapatay ang si Itay-sinasabi nating
nabaril, para siguro mabawas-bawasan ang lagim, pero ang totoo’y pinatay
siya-sinimulan ko nang isipin kung ano ang batas na nararapat dito sa atin,,
kung sino ang dapat magpatupad niyon kung ano ang hakbang na nararapat nating
gawin. At sa lahat ng libro’y sa Bibliya ko pa nakita ang sagot. Naglalakad ako
minsan –pagkaraan ng nangyari kay Aida- nang maalala ko ang sinabi ng ama ni
Itay, noong araw na iyon ng libing. “ Kapag buhay ang inutang, buhay din ang
magiging kabayaran, na para bangmay sisingil para sa kanya.- o para sa atin-
ang inutang na buhay ni Itay. Naisip ko, ito’y hindi isang pamahiin, hindi
isang kasabihan- ito’y isang simpleng batas, isang kautusan o kahatulang
inihabilin ng Diyos kay Moses sa itaas ng bundok sa gitna ng kulog, ng kidlat,
ng usok at ingay ng pakakak. Sapagka’t hindi ba sinabi sa Exodus na “buhay sa
buhay”. Ito bang nangyari kay Aida’y masahol pa ang pagkamatay?Ngayon, ito ang
mga kahatulang nararapat nating sundin: “mata sa mata, ngipin sa ngipin… apoy
sa apoy , sugat sa sugat, latay sa latay”. Ito ang aking gagawin: gaganti ako:
ako ang gaganti sa kanya.
REGINA: Gaganting
paano?
TONY: Papatayin
ko siya.
REGINA: (manghihilakbot) Tony!
TONY: May isa pa kayong hindi nalalaman, Inay. Diyan
sa abangan ng sasakyan minsan, nang ako’y papuntang eskwela, isinakay ako
sa “jeep” ng dalawang bataan ni “Mayor”. “Jeep” iyon ng mga pulis, at ang
nagsakay sa akin ay parehong pulis. Nagpaikut-ikot kami, nasa gitna nila
ako.Sabi nila’y itigil daw ninyo ang kaso, o ---
REGINA: Mga
banta! banta!
TONY: Isa iyan sa pinakakaraniwan nilang
ginagawa- hindi lamang sila ang gumagawa niyan. Pero ang kinatatakutan
ko’y ang kalalabasan ng inyong demanda – ng inyong paniniwala sa hustisya.
Regina: Kung hindi pa ako maniniwala’y ano pa ang aking
mahihintay?
TONY: May kuwento tungkol kay San Agustin tungkol sa
paniniwala.Naglalakad daw si San Agustin sa tabing-dagat at tinutuklas ang
misteryo ng Divina Trinidad. Habang nag-iisip at naglalakad, mayroon daw
narinig si San Agustin na parang hanging nagbulong sa
kanya: “Agustin, ang ginagawa mong pagtuklas sa misteryong iyan ay kasing-hirap
ng pagsalok mo ng tubig sa buong dagat sa iyong palad. Pananalig, paniniwala,
iyan ang kailangan mo”. Ang hustisya ba rito sa ati’y isang misteryo? Alam
nating lahat na ito’y hindi hustisya, at alam natin kung bakit ito hindi
ganito. Wala naman tayong misteryong dapat tuklasi’y kung bakit nananalig at
naniniwala pa tayo!
REGINA: Lawakan mo ang iyong pagtingin, Tony. Ang
ikinagagalit mo’y dahil lamang sa mga personal na karaingan.
TONY: Lawakan! Ang kay Itay ay isa lamang sa matagal
at laganap nang kawalang- katarungan!
REGINA: Darating ang hustisya, Tony.
TONY: Kailan? Gaano katagal? Sa anong paraan? Ang
paghihintay nati’y makakatulad lamang ng ginawa nating paghihintay sa kaso ni
Itay. Ano ang nangyari sa kaso niya? (Mapapayuko si Regina).Natatandaan ko pa,
disisais anyos ako, nasa Gagalangin tayo.Naghahapunan tayo. May tumawag kay
Itay. Alam natin na mula nang madiskubre niya ang di paglilista ng
trak-trak na tabakong inilalabas sa bodega ay pinagbantaan na
siya, daang libong piso ang halaga ng mga ipinupuslit. Pero matapang si
Itay, hindi siya napatakot. At nang gabi, ngang iyo’y lumabas
siya kumpiyansa, matapang –ni hindi isinukbit ang saliri niyang
baril. Nag-usap sila sa labas at nang nagkakainitan na’y napalabas tayo. At
narinig natin ang mga putok, bagsak si Itay, takbo sa nakaparada nilang
“jeep”ang tatlo. Nakuha ko ang numero ng “jeep” at natunton ang mga nagsigamit
niyon. Nadiyaryo tayo, kung ilang araw tayong nasa peryodiko.Umasa tayong
mahuhuli at makukulong ang mga nagsibaril kay Itay - hanggang sa pumasok
ang isang pulitiko. Ano paang nangyari pagkaraan niyon? Unti-unti na
silang nawalan ng interes sa kaso, hindi ba naging pursigido ang
nagiimbestigang pulis. “Third year high school” ako noon, at sa
kauna-unahang pagkakataon, naisip kong ang hustisya pala’y ganito.
Hanggang ngayo,y nasa akin pa ang “clippings” ng mga diyaryo noon, itinatago
ko. Duguan ang retratong kuha ni Itay.
REGINA: Nakaraan na iyon, Tony.
TONY: Hindi pa ba kayo nadadala? Hanggang ngayon ba’y
naniniwala pa kayo?
REGINA: Ano ang silbi ng aking itinuturo kung hindi ako
maniniwala? Kaya kong magretiro anumang araw ngayon pero nagtuturo pa rin
ako – siguro’y sa nais kong makatulong sa paglikha ng mabubuting
mamamayan. Ituturo mo sa kanila ang katarungan ngunit ikaw na mismo ang
hindi naniniwala rito. Bubuo ka ng mahuhusay na mamamayan
nguni’t ikaw mismo ay hindi modelong mamamayan. Naniniwala ako,
Tony. At maghihintay ako.
TONY: Mahuhulog kayo sa pampang! (Mula sa itaas,
bababa si Ana. Nasa mukha niya ang kawalang malamang gawin).
ANA: (sa hagdan pa lamang): Ninenerbiyos na naman si Aida,
Regina.Nanlalamig mula pa kanina. Parang takot na takot. Nakabili na
ba ng gamot?
REGINA: (maaalala): Ang gamot nga pala. Sino ang
bibili?
ANA: Akala ko ba’y si Tony?
(Iiling-iling na papanhik
si Tony).
REGINA: Hindi ba puwedeng ipagpabukas na ang
pagbili? Ano’ng oras na ba?
ANA: Mag-aalas-onse na siguro. Mayroon namang botika riyang
hindi nagsasara. Kailangan ni Aida, Regina. Hindi siya mapapahinga kapag hindi
nakainom. Maaring makasama pa sa kanya. Sa linggo kamo’y pupunta rito ang
doktor.
REGINA: Gabi na, Ana.
ANA: (nagpapaubaya): Nasa iyo iyan, Regina. Pero si
Aida- (Mananaog si Tony). Eto na si Tony.
TONY: (patungo sa pinto) Lalakad na ako.
ANA: Alam mo ang pupuntahan mong botika?
REGINA: Magtaksi ka na.
ANA: Umuwi ka kaagad. Kailangan ni Aida iyan.
REGINA: (pagkalabas ni Tony, parang gaping-gapi)
Kinakabahan ako, Ana.
ANA: Sa pagkakapunta rito ni “Mayor”? intindihin mo
iyon?
REGINA: Kay Tony, Ana. Ibang-iba na siya ngayon. Ang
mga pinagsasabi niya! (Mapapakumpas lamang si Ana. Mananaog si Ben).
BEN: Umalis na ang kuya?
REGINA: Oo. Bakit?
BEN: (parang takot) May dala siyang baril.
REGINA: Baril?
BEN: Huwag ko raw sasabihin sa inyo. Sa malaking kahon sa
ilalim ng kama niya kinuha.
REGINA: (hindi makapaniwala) Saan kukuha ng baril
iyon?
BEN: Baril, Inay? Kitang-kita ko.
REGINA: (sasapuhin ang mukha) Diyos ko, ano kaya ang
kanyang gagawin?
(Tatayo nguni’t tutop
ang ulong mapapaupo). Sundan mo kaya,Ben. Sundan mo kaya, Ana. (Lalabas si
Ben).
ANA: Siguro naglalalabas ng gabi iyan.
REGINA: Anong ginagawa?
BEN: Hinahanap ang anak ng”mayor”. Hindi ko na siya
nakikitang nag-aaral kung gabi. Baka hindi na siya maging “scholar” sa susunod
na semestre.
REGINA: (galit) Nalalaman mo pala’y hindi mo sinasabi?
BEN: Kung isasama ako ng kuya’y sasama ako.
ReGINA: Ang aking mga anak! Ang aking mga anak!
(Sandaling mananatili si Ben sa harap ng Ina, naaawang nakatingin dito, tila
nagsisisi sa sinabi. Pagkaraa’y malungkot siyang papanhik. Papatayin ni Ana ang
ilaw sa komedor).
ANA: (papalapit kay Regina) Hindi mo sila masisisi,
Regina, lalo pa nga’t pagkaraang marinig ang pinagsanib ng alkalde at ng
konsehal. Ang hustisya’y hustisya lamang, kung madali itong naibibigay at
naibibigay nang pantay-pantay. Papanhik na ako. (Sa hagdan) Pumanhik ka na rin.
Iwan mo nang bukas iyang ilaw. (Aakyat ng ilang baitang) Halina, Regina.
Matulog ka na, ikaw nga ang pagod. (Tutuloy nang umakyat si Ana. Sa itaas,
maririnig ang bilin niya, “Ben, abangan mong pagdating ng kuya mo”).
(Mananatiling nakaupo sa sala si Regina, nababaghan, hindi makapaniwala. Pagkuwa’y kikilos siya, tatayo, maglakad-lakad, nakayuko at magkadaop ang palad. Mauupo siyang muli pagkaraan. Sa kanyang harap, pagkaraan ng ilang saglit makikita niya si Tony).
TINIG NI TONY: Walang mangyayari sa demanda niyo, Inay.
(Mag-aangat ng mukha si Regina).
Alam ko na ang aking gagawin. Gaganti ako. Papatayin ko siya.
REGINA: (Nagugulumihan) Tony!
TABING
(Sa pagbubukas ng tabing, makikitang nakaupo si Regina, nakapikit,
naiidlip, ang isang kamay ay nasa katangan ng upuan at nakasapo sa noo, ang
isa’y nasa kanyang kandungan. Sa labas, maririnig ang manaka-nakang pagdaraan
ng taksi. Sa labas din, maririnig ang pahagok na ingay ng trak na nangongolekta
ng basura at ang pagkala-kalantog ng mga inihahagis na lalagyan ng sukal).
(Mula sa itaas ay bababa si Aida, nakaputing damit-pantulog,
nakalugay ang buhok at nakatapak. Nakikita niya ng naiidlip na Ina nguni’t
hindi ito gigisingin. Tutuloy siya sa komedor, bubuksan ang ilaw at may
hahanapin sa kabinet. Matatabing niya ang isang bote ng gamot at ito’y
mababasag. Magigising si Regina).
REGINA: (parang naalimpungatan): Sino iyan? (Lalabas,
makikita si Aida na nakadukdok sa mesa)
Aida!
AIDA: (mahina) Ang gamot, Inay?
REGINA: (maaalala) Si Tony? Wala pa?
AIDA: Bakit pa?
REGINA: Bumili ng gamot. Anong oras na ba?
AIDA: Pasado alas-dos na po siguro.
REGINA: (kinabahan) Umaga na. Saan kaya nagsuot ang
Antoniong ito? (Mauupo, gulo ang mukha) Sinabi namang agahan at kailangan
–
AIDA: May nabasag po akong bote.
(Walang kibong kukunin ni Regina ang walis na tambo at “dustpan”
at dadakutin ang basag na bote. Patingkayad siyang mauupo at pupulutin ang
ilang bubog).
AIDA: Hindi ako makatulog, Inay.
REGINA: (inililigpit ang dinampot) Gusto mo ng --- gatas?
AIDA: (tatango, nanlalambot na nakatingin sa lumapit na
ina) May dugo kayo, Inay.
REGINA: (pagulat) Saan?
AIDA: Hayan.
REGINA: (titingnan ang damit, ang mga kamay) Saan?
AIDA: O, akala ko’y may dugo sa inyong palad.
REGINA: (ikakaskas ang kanang palad sa damit) Wala.
AIDA: Akala ko’y
mayroon.
REGINA: (naguguluhan) Ano ba ang gagawin ko? A, gatas.
Gatas nga pala.
(Pupunta sa may kabinet, kukuha ng termos, sa reprihedora,
kukuha ng gatas).
AIDA: (nakadukdok pa rin sa mesa, nakatingin sa dingding) Lagi
kong naiisip ang luma nating bahay, Inay.
REGINA: (dala ang gatas) Ano ‘ka mo?
AIDA: Ang ating lumang bahay, lagi kong naiisip ‘ka ko.
REGINA: Bakit?
AIDA: (nakasandal na ngayon, bahagyang tatango) Aywan.
Basta lagi ko lang naiisip. Parang gusto ko pang naroon tayo. Parang
natatakot ako dito.
REGINA: (nakatingin sa palad) Bakit ka naman matatakot
dito?
AIDA: Sabi niya’y huwag raw tayong magsusumbong. Hindi ako
natatakot kung ako. Pero baka kayo o si Ben- o si Kuya. Buti pa ako. Kung
anu-ano ang naiisip ko, Inay. At kasa-kasama ng aking napapanaginip.
Naparito raw siya at ang kanyang mga kasama. Marami silang mga dalang
baril. Nasa eskuwela kayo, may pinuntahan si Tiya Ana at pumasok si Ben. Kami
lang dalawa ni Kuya ang naiwan. Nakakatakot, Inay. Pinaupo nila sa
mesa si Kuya, nakapaligid sila at siya’y may inaabot na bote ng lason kay Kuya.
Inumin mo sabi sabi niya kay Kuya. Inumin mo! At binunot niya ang baril at
itinutok kay Kuya. Sinabi ko na sa iyong huwag magsusumbong, nagsumbong ka pa
rin, sabi niya niya kay Kuya. Kaya inumin mo ito- iniaandot niya ang bote ng
lason- inumin mo! At-atnagmamakaawa ako sa kanya. Pasensiya na kayo, sabi ko,
pasensiya na kayo sa kapaatid ko. Anong pase-pasensiya, sabi niya, nagsumbong
siya. Inumin mo! At ininom ni Kuya ang lason. Inay.
REGINA: (aaluin ang anak) Iyang gatas, Aida. Huwag mong
isipin iyan.
AIDA: (ibaba ang baso) Kay bait pa naman ni Kuya kung
sa kanya gagawin iyon.
REGINA: Hindi nila gagawin iyon. Hindi nila aanuhin ang
kuya mo.
AIDA: Huwag naman sana nilang sasaktan, ano, Inay?
REGINA: Oo, hindi nila sasaktan.
AIDA: (nagpapahid ng labi) Ang bait-bait pa naman ni Kuya.
REGINA: Mahal na mahal ka nga niya.
AIDA: (malumanay na): Noon, noon naisip ko, kung
- kung pipili ako ng mapapangasawa, ang pipiliin ko’y kamukha niya. Mabait
siya at mapag-alala. Aywan ko, pagkaraan si Itay siya na ang para kong naging
ama. Hindi ba’t parang siya naman talaga, ha Inay?
REGINA: (balisa) Oo. (Mapapatingin sa may pinto,
mahina) Saan kaya nagputa itong Toning ito?
AIDA: Anong sinasabi ni Kuya tungkol sa nangyari?
REGINA: (parang mabibigla) Wala, wala namang sinasabi.
AIDA: (mangingiti) Kung pumapasok siya sa kuwarto at
kinakausap ako, nahuhuli kong tinitingnan niya akong mabuti. Medyo nalalaglag
pa ang salamin sa kanyang ilong. Ang lalim niyang tumingin! Sabi lang ni
Tiya Ana’y pangit ang nakakunot-noo, pero sa tingin ko, bagay pa nga kay Kuya.
(Uubusin ang laman ng baso).
REGINA: Siya, siya panhik ka na.
AIDA: (kikilos) Kayo?
REGINA: Hihintayin ko siya. Ano na kayang oras?
AIDA: Umaga na.
REGINA: Umaga na?
(Papanhik si Aida. Maiiwan sa komedor si Regina, may nakalaylay
ngayong mga hibla ng buhok sa noo. Nakatayo siya, wala na ang antok, parang
namamalik-matang nakatingin sa pinto.
(Isang taksi ang pasagadsad na hihinto sa kanilang tapat.
Mapapasugod si Regina sa pinto. Kakalapag ang pinto ng taksi. Iingit ang
pintong bakal. Lalabas si Regina.)
REGINA: (sa labas) Tony! Ano’ng nangyari sa iyo?
(papasok sila, halos
yakap ni Regina si Tony na sapo ang duguang kaliwang balikat. Mapapaupo si Tony
sa sala, hawak ni Regina).
AIDA: (Makakaramdam
sa itaas): Kuya?
REGINA: Ano’ng
nangyari sa iyo?
(Sesenyasan siya ni
Tony na huwag maging maingay).
TONY: Aalis tayo
rito, Inay. Dali! Gigisingin ninyo sina Ben.
AIDA: (sa itaas,
pakalabog na babangon at manggigising) Tiya Ana! Ben! Ben!
TONY: Sa Nueva’y ‘cija, sa mga kamag-anak na magsasaka ni
Itay. Sa Tarlac, sa Pampanga, sa bundok.
REGINA: (matatag) Hindi,
Tony. Hindi tayo aalis. Susuko ka.
TONY: Inay!
REGINA: (kakapkapin
kay Tony ang baril) Bigay mo sa akin ang baril.
TONY: (pipigilin ang kamay ng ina) Kailangan ko ito,
Inay. Tiyak nila akong papatayin. Madali silang makagagawa ng dahilan.
REGINA: (aagawin ang baril at ipapaloob ang baywang ng
damit niyang pambahay) Susuko ka, Tony.
TONY: (tumututol) Inay, Inay---
REGINA: Ibang krimen kaysa nangyari kay Aida.
TONY: (magugulat) At ako’y kriminal?
REGINA: Pinatay mo siya.
TONY: “Huwag ninyong sasaktan ang sinumang balo o ulila sa
amang bata,”habilin ng Diyos kay Moses. “ Kapag sila’y inyong sinaktan sa
anupamang paraan at silang lahat ay tumawag sa akin, ang panawagan nila’y tiyak
kong diringgin. At ang poot ko’ymaglalatang, at kayo’y papatayin ko sa tabak.”
Naglalatang ang poot ng Diyos sa masasamang kamay na umagaw at humahawak ngayon
ng kanyang tabak! Sasabihin ninyong ako’y kriminal? Saan paano kanino ako
hihingi, hahanap at makapagtatamo ng katarungan? Sino ang magbibigay?
Inay, ang kidlat ng Diyos ay ihahagis ng kamay ng naaapi at ang tabak ng
hustisya ay itataga sa lipunan ng mga pinagkakaitan ng katarungan.
(Maliban sa panginginig at abut-abot na paghingal ni Aida ay
matahimik silang lahat. Sa labas, maririnig na ang mga sirenang papalapit).
TONY: Nariyan na sila!( Tatayo, magpapalinga-linga).
REGINA: (nakasunod) Susuko ka, Tony.
(May sisigaw sa labas ng “Calderon, napapaligiran ka na namin.
Sumuko ka”.)
REGINA: (kay Ben) Buksan mo ang pinto, Ben.
(Bubuksan ni Ben ang pinto) Maayos siyang susuko. Halikayo,
narito siya.
(Bunot ang mga baril, papasok ang mga pulis, karamiha’y nakauniporme,
ang ila’y nakasibilyan at may mga taling panyo sa ulo).
Hayan siya. (ituturo si Tony na nakatayo sa may komedor).
(Papasok ang alkalde,
bunot ang baril. Itututok nito ang baril kay Tony nguni’t matatabig ni Regina.
Sa dingding tatama ang bala).
REGINA: Maayos siyang susuko,”Mayor”. Hayan, nariyan ang
aking anak, arestuhin ninyo.
(Pagtutulung-tulongan ng mga pulis si Tony. Malakas na
mapapatili si Aida.Pagkabaliti kay Tony, may kakadyot dito, may sisipa, may
papalo, may dadagok. Mapapaluhod si Tony, at makalawang makapagpapaputok si
Regina bago maagaw ng isang pulis ang kanyang baril. Babagsak si Tony).
ALKALDE: Bakit mo binaril?
REGINA: (hawak nang dalawang pulis): Kapag sinaktan ng
ibang bata ang ating anak, at tayo’y walang magawa sa nanakit sa kanya, di ba
ibinubuhos natin ang parusa sa ating anak? Ang sabi ninyo’y aarestuhin ninyo
ang aking anak ano ang inyong ginagawa?
PULIS1: Inaaresto!
REGINA: Inaaresto!
PULIS II: Dadalhin namin sa presinto!
REGINA: Dito pa lamang ay pinapatay na ninyo!
PULIS III: Kalokohan!
PULIS I: Paano’y nanlalaban!
REGINA: Nanlalaban!
PULIS II: “Resisting arrest!” Ha-ha-ha!
PULIS: Nagtatangkang tumakas!
REGINA: O! O!
ALKALDE: Pinatay niya ang aking anak!
REGINA: Kayo ang batas kapag inyong anak!
PULIS I: Dadalhin namin sa husgado!
REGINA: Husgado, anong husgado?
PULIS II: Bakit ba marunong ka pa sa husgado?
PULIS III: Sa hustisya!
REGINA: Hustisya! Hustisya! Alam ba ninyo ang
kahulugan ng hustisya? Kayo, “Mayor” alam ba ninyo ang kahulugan niyan?
(Ubus-lakas siyang sasampalin ng alkalde at siya’y babagsak.
Mapapayakap sa kanya si Ben).
PULIS I: Posasan iyan.
PULIS II: Masyadong makatuwiran!
REGINA: (umiiling) Hindi ninyo nalalaman, “Mayor”, ang
kahulugan niyan. Hindi ninyo nalalaman. (Malakas) Kayo, lahat kayo, hindi
ninyo nalalaman ang kahulugan niyan!
PULIS III: Binaril mo ang sarili mong anak!
PULIS I: “Parricide!”
ALKALDE: Pananagutan mo ito.
REGINA: Pananagutan mo ito.
PULIS II: (hihiklatin si Ben kay Regina): Halina! Halina!
Sa presinto!
PULIS III: Sa presinto!
PULIS I: Doon ka makipagdebate.
ALKALDE: Dalhin ninyo!
REGINA: (napoposasang ilalabas): O, dalhin ninyo ako kahit
saan. Sa presinto, sa korte, sa husgado, kahit saan! Dalhin ninyo ako
kahit saan. Pananagutan ko ang pagkamatay ng aking anak. Ako ang pumatay sa aking
anak!
(Papalakas) Pinatay
ko ang aking anak! Sasabihin ko sa lahat na pinatay ko ang sarili kong anak.
Pinatay ko ang aking anak!
(Lalabas sila. Maiiwan sina Ana, Ben, at Aida. Kapuwa nakatingin
sa bukas na pinto sina Ben at Ana, sinusundan ng tingin ang mga
nagsilabas. Nakalupasay sa isang tabi si Aida at umiiyak. Nasa kanyang
kinabagsakan si Tony).
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento