ANG
KWENTO NI MABUTI
Ni Genoveva Edroza-Matute
Hindi ko siya nakikita ngayon. Ngunit sinasabi nilang naroroon
pa siya sa dating pinagtuturuan, sa walang pintang paaralang una kong
kinakitaan sa kanya. Sa isa sa mga lumang silid sa ikalawang palapag, sa itaas
ng lumang hagdang umiingit sa bawat hakbang, doon sa kung manunungaw ay
matatanaw ang maitim na tubig ng isang estero. Naroon pa siya’t nagtuturo ng
mga kaalamang pang-aklat, at bumubuhay ng isang uri ng karunungan sa kanya ko
lamang natutuhan.
Lagi ko siyang inuugnay sa kariktan ng buhay. Saan man sa
kagandahan; sa tanawin, sa isang isipan o sa isang tunog kaya, nakikita ko siya
at ako’y lumiligaya. Ngunit walang anumang maganda sa kanyang anyo… at sa
kanyang buhay…
Siya ay isa sa mga pangkaraniwang guro noon. Walang sinumang
nag-ukol sa kanyang ng pansin. Mula sa kanyang pananamit hanggang sa
paraan ng pagdadala niya ng mga panunugutan sa paaralan, walang masasabing
anumang pangkaraniwan sa kanya.
Siya’y tinatawag naming lahat na si Mabuti kung siya’y
nakatalikod. Ang salitang iyon ang simula ng halos lahat ng kanyang
pagsasalita. Iyon ang pumalit sa mga salitang hindi niya maalaala kung minsan,
at nagiging pamuno sa mga sandaling pag-aalanganin. Sa isang paraang malirip,
iyon ay naging salamin ng uri ng paniniwala sa buhay.
“Mabuti,” ang sasabihin niya, “… ngayo’y magsisimula tayo sa
araling ito. Mabuti nama’t umabot tayo sa bahaging ito… Mabuti… Mabuti!”
Hindi ako kailanman magtatapat sa kanyang ng anuman kung di
lamang nahuli niya akong minsang lumuluha; nang hapong iyo’y iniluha ng bata
kong puso ang pambata ring suliranin.
Noo’y magtatakipsilim na at maliban sa pabugsu-bugsong hiyawan
ng mga nagsisipanood sa pagsasanay ng mga manlalaro ng paaralan, ang buong
paligid ay tahimik na. Sa isang tagong sulok ng silid-aklatan, pinilit kong
lutasin ang aking suliranin sa pagluha. Doon niya ako natagpuan.
“Mabuti’t may tao pala rito,” wika niyang ikinukubli ang
pag-aagam-agam sa narinig. “Tila may suliranin .. mabuti sana kung makakatulong
ako.”
Ibig kong tumakas sa kanya at huwag nang bumalik pa kailanman.
Sa bata kong isipan ay ibinilang kong kahihiyan ay kababaan ang pagkikita pa
naming muli sa hinaharap, pagkikitang magbabalik sa gunita ng hapong iyon.
Ngunit, hindi ako makakilos sa sinabi niya pagkatapos. Napatda ako na napaupong
bigla sa katapat na luklukan.
“Hindi ko alam na may tao rito”….. naparito ako upang umiyak
din.”
Hindi ako nakapangusap sa katapatang naulinig ko sa kanyang
tinig. Nakababa ang kanyang paningin sa aking kandungan. Maya-maya pa’y nakita
ko ang bahagyang ngiti sa kanyang labi.
Tinanganan niya ang aking mga kamay at narinig ko na klamang ang
tinig sa pagtatapat sa suliraning sa palagay ko noo’y siya nang
pinakamabigat.Nakinig siya sa akin, at ngayon, sa paglingon ko sa pangyayaring
iyo’y nagtataka ako kung paanong napigil niya ang paghalakhak sa gayong
kamusmos na bagay. Ngunit, siya’y nakinig nang buong pagkaunawa, at alam ko na
ang pagmamalasakit niya’y tunay na matapat.
Lumabas kaming magkasabay sa paaralan. Ang panukalang
naghihiwalay sa amin ay natatanaw na nang bigla akong makaalala.
“Siyanga pala, Ma’am, kayo? Kayo ng pala? Ano ho iyong ipinunta
ninyo sa sulok na iyo na … iniiyakan ko?”
Tumawa siya ng marahan at inulit ang mga salitang iyon; “ang
sulok na iyon na … iniiyakan natin… nating dalawa.” Nawala ang marahang
halakhak sa kanyang tinig: “sana’y masabi ko sa iyo, ngunit… ang suliranin..
kailanman. Ang ibig kong sabihin ay … maging higit na mabuti sana sa iyo ang …
buhay.”
Si Mabuti’y naging isang bagong nilikha sa akin mula nang araw
na iyon. Sa pagsasalita niya mula sa hapag, pagtatanong, sumagot, sa pagngiti
niyang mabagal at mahiyain niyang mga ngiti sa amin, sa paglalim ng kunot sa
noo niya sa kanyang pagkayamot, naririnig kong muli ang mga yabag na palapit sa
sulok na iyon ng silid-aklatan. Ang sulok na iyon,.. “Iniiyakan natin,” ang
sinabi niya nang hapong iyon. At habang tumataginting sa silid naming ang
kanyang tinig sa pagtuturo’y hinuhulaan ko ang dahilan o mga dahilan ng
pagtungo niya sa sulok na iyon ng silid-aklatan. Hinuhulaan ko kung nagtutungo
pa siya roon, sa aming sulok na iyong… aming dalawa…
At sapagkat natuklasan ko ang katotohanang iyon tungkol sa
kanya, nagsimula akong magmasid, maghintay ng mga bakas ng kapaitan sa kanyang
sinasabi. Ngunit, sa tuwina, kasayahan, pananalig, pag-asa ang taglay niya sa aming
silid-aralan. Pinuno siya ng maririkit na guni-guni ang aming isipan at ng mga
tunog ang aming pandinig at natutuhan naming unti-unti ang kagandahan ng buhay.
Bawat aralin naming sa panitikan ay naging isang pagtighaw sa kauhawan naming
sa kagandahan at ako’y humanga.
Wala iyon doon kanina, ang masasabi ko sa aking sarili
pagkatapos na maipadama niya sa amin ang kagandahan ng buhay sa aming aralin.
At hindi naging akin ang pagtuklas na ito sa kariktan kundi pagkatapos na
lamang ng pangyayaring iyon sa silid-aklatan.
Ang pananalig niya sa kalooban ng maykapal, sa sangkatauhan, sa
lahat na, isa sa mga pinakamatibay na aking nakilala. Nakasasaling ng damdamin.
Marahil, ang pananalig niyang iyon ang nagpakita sa kanya ng kagandahan sa mga
bagay na karaniwan na lamang sa amin ay walang kabuluhan.
Hindi siya bumabanggit ng anuman tungkol sa kanyang sarili sa
buong panahon ng pag-aaral naming sa kanya. Ngunit bumanggit siya tungkol sa
kanyang anak na babae, sa tangi niyang anak. .. nang paulit-ulit. Hindi
rin siya bumabanggit sa amin kailanman tungkol sa ama ng batang iyon. Ngunit,
dalawa sa mga kamag-aral naming ang nakababatid na siya’y hindi balo.
Walang pag-aalinlangan ang lahat ng bagay at pangarap niyang
maririkit ay nakapaligid sa batang iyon. Isinalaysay niya sa amin ang katabilan
niyon. Ang paglaki nang mga pangarap niyon, ang nabubuong layunin niyon sa
buhay. Minsan, tila hindi namamalayang nakapagpapahayag ang aming guro ng isang
pangamba ang pagkatakot niyang baka siya hindi umabot sa matatayog na pangarap
ng kanyang anak. Maliban sa iilan sa aming pangkat, paulit-ulit niyang
pagbanggit sa kanyang anak ay iisa lamang ang mga bagay na “pinagtitiisang”
pakinggan sapagkat walang paraang maiwasan iyon. Sa akin, ang bawat pagbanggit
na iyon ay nagkakaroon ng kahulugan sapagkat noon pa ma’y nabubuo na sa aking
isipan ang isang hinala.
Sa kanyang magandang salaysay, ay nalalaman ang tungkol sa
kaarawan ng kanyang anak, ang bagong kasuotan niyong may malaking lasong pula
sa baywang, ang mga kaibigan niyong mga bata rin, ang kanilang mga handog. Ang
anak niya’y anim na taong gulang na. Sa susunod na taon siya’y magsisimula na
iyong mag-aral. At ibig ng guro naming maging manggagamot ang kanyang anak- at
isang mabuting manggagamot.
Nasa bahaging iyon ang pagsasalita ng aming guro nang isang bata
sa aking likuran ang bumulong: “Gaya ng kanyang ama!”
Narinig ng aming guro ang ang sinabing iyon ng batang lalaki. At
siya’y nagsalita.
“Oo, gaya ng kanyang ama,” ang wika niya. Ngunit tumakas
ang dugo sa kanyang mukha habang sumisilay ang isang pilit na ngiti sa kanyang
labi.
Iyon ang una at huling pagbanggit sa aming klase ang tungkol sa
ama ng batang may kaarawan.
Matitiyak ko noong may isang bagay ngang malisya sa buhay niya.
Malisya nang ganoon na lamang. At habang nakaupo ako sa aking luklukan, may
dalawang dipa lamang ang layo sa kanya, kumirot ang puso ko sa pagnanasang
lumapit sa kanya, tanganan ang kanyang mga kamay gaya ng gingawa niya nang
hapong iyon sa sulok ng silid-aklatan, at hilinging magbukas ng dibdib sa akin.
Marahil, makagagaan sa kanyang damdamin kung may mapagtatapatan siyang isang
taong man lamang. Ngunit, ito ang sumupil sa pagnanasa kong yaon; ang mga
kamag-aral kong nakikinig ng walang anumang malasakit sa kanyang sinasabing,
“Oo, gaya ng kanyang ama,” habang tumatakas ang dugo sa kanyang mukha.
Pagkatapos, may sinabi siyang hindi ko makakalimutan kailanman.
Tinignan niya ako ng buong tapang na pinipigil ang panginginig ng mga labi at
sinabi ang ganito : “Mabuti…mabuti gaya ng sasabihin nitong Fe-lyon lamang
nakararanas ng mga lihim na kalungkutan ang maaaring makakilala ng mga lihim na
kaligayahan. Mabuti, at ngayon, magsimula sa ating aralin…”
Natiyak ko noon, gaya ng pagkakatiyak ko ngayon na hindi akin
ang pangungusap na iyon, ni sa aking mga pagsasalita, ni sa aking mga
pagsusulat. Ngunit samantalang nakatitig siya sa akin ng umagang iyon, habang
sinasabi niya ang pangungusap na iyon, nadama kong siya at ako ay iisa. At kami
ay bahagi ng mga nilalang na sapagkat nakaranas ng mga lihim na kalungkutan ay
nakakikilala ng mga lihim na kaligayahan.
At minsan pa, nang umagang iyon, habang unti-unting bumabalik
ang dating kulay ng kanyang mukha, muli niyang ipinamalas ang mga nagtatagong
kagandahan sa aralin naming sa Panitikan. Ang karikatn ng katapangan; ang
kariktan ng pagpapatuloy anuman ang kulay ng buhay.
At ngayon, ilang araw lamang ang nakararaan buhat
nang mabalitaan ko ang tungkol sa pagpanaw ng manggagamot na
iyon. Ang ama ng batang iyong marahil ay magiging isang manggagamot din
balang araw, ay namatay at naburol ng dalawang gabi at dalawang araw sa isang
bahay na hindi siyang tirahan ni Mabuti at ng kanyang anak. At naunawaan ko ang
lahat. Sa hubad na katotohanan niyon at sa buong kalupitan niyon ay
naunawaan ko ang lahat.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento